Ba't Ganon???
Minsan may pagkakataong basta na lang akong binabaha ng mga katanungan dala ng ibat-ibang sitwasyon na natutunghayan at naririnig araw-araw. Parang madali at kitang-kita na ang kasagutan ngunit di nito mapunan ng kumpletong kasiyahan at solusyon ang mga agam-agam na naglalaro at pilit na kumakatok sa aking naglalakbay na kaisipan. Marahil ito’y bunga na rin ng mga sarisaring reaksyon at emosyon na dulot ng mga pangyayaring di inaasahan na nakabibigla, nakakatawa, nakakainis, nakakalungkot at iba pa.
- Kagaya nung isang nakilalang kaibigan sa isang pagtitipon.Nakita kong nakapag-aambag siya ng inspirasyon at kasiyahan sa mga tao ngunit isang araw bigla na lang s’yang isinama ng mga maykapangyarihan sa hanay mga taong sumunog daw ng isang tahanan. Bagama’t di sapat ang ebidensya laban sa kanya at matibay ang kangyang inihaing dahilan sa kanyang pagiging walang kinalaman sa mga pangyayari ay nakulong pa rin sya. Humigit kumulang labing pitong taon ang binuno n’ya sa piitan na ayon sa kanya ay di n’ya kailanman ginawa….Ba’t ganon?
- Mayroon naming isang tao na nagmalasakit at tumulong sa paghadlang upang ang masamang gawain ay di manaig. Sa kanyang pagtugon, s’ya ay muntik ng mapatay, nasaktan at na-ospital pa, ngunit ang kanyang tinulungan ay biglang umalis na lang ng walang pasasalamat sa kabila ng lahat. May naghihintay daw sa kanya sa kabilang kanto. Pambihira!...Ba’t ganon?
- Bayani s’ya at patuloy na nagpapakabayani. Nagtitiis at ibayong nagsisikap malayo sa tinubuang lupa. Umiiwas sa bisyo at pilit na nilalabanan ang mga halina ng tukso upang lubos na maialay ang kumpletong probisyon at tagumpay sa kangyang mga minamahal. Pero…..natambad sa kanyang pagbabalik ang kabiyak sa kandungan ng iba at mga naipundar na pag-aari ay wala na. Tama ba ang sukli?...Ba’t ganon?
- Marami na ang nakikita at nararanasan kong paghihirap ng gaya kong maliit na tao sa lipunan. Puspos naman ng aksyon sa paghahanap ng solusyon ang ating pamahalaan upang maibsan ang mga ito. Mayron nga silang VAT ngayon na makakatulong daw ng malaki sa pag-angat natin. Kaya siguro angat na angat na ang presyo ng mga serbisyo’t bilihin ngayon. Pero sabi nung iba pambayad lang daw yun sa utang. Teka, asan na ba yung mga inutang noon? Di yata naramdaman ng marami ang progresong inaasahan doon. At bakit parang madaling yumaman yung iilang mga tao sa posisyon? Yung mga anak ko, maliliit pa lang may utang na? Ewan ko, siguro gutom lang ako….VAT Ganon?
- May isang bata akong naulinigan…”Mommy pakitapon po ito sa basurahan, di ako pwedeng umalis sa pila eh”, sabi ng mommy “ itapon mo na lang dyan kahit saan!”, Di nga po pwede masama yon eh sabi ng titser ko, Sumagot ulit si mommy pasigaw na..."Sabi ng itapon mo na lang dyan kahit saan! Tigas talaga ng ulo mong bata ka!!" ( Hmmmm!??) Ba’t ganon?
Pero....Buti na lang!...at…buti na lang….ay maaga pa, nang ako ay maimulat ng aking mga minamahal na may makapangyarihan at buhay na Diyos na babalanse ng lahat at magbibigay ng kumpletong kasagutan sa lahat ng mga hiwaga’t magulong katanungan sa itinakda Niyang panahon. Pero habang patuloy akong naglalakbay patungo sa itinakdang panahong iyon ay paminsan-minsang siguro akong magtatanong ulit sa sarili na….Ba’t ganon?
Kapayapaan po sa lahat!
Verse-Meal
Philippians 4: 7
And the peace of God, which passeth all understanding, shall keep your hearts and minds through Christ Jesus.